Isinagawa ang Pansangay na Seminar-Worksyap sa Ortograpiyang Pambansa at Estratehiya sa Pagtuturo ng Panitikang Filipino na dinaluhan ng mga guro sa Filipino sa elementarya mula sa iba’t ibang paaralan sa dibisyon. Layunin ng aktibidad na higit pang paigtingin ang kahusayan ng mga guro sa wastong paggamit ng Ortograpiyang Pambansa at makabuo ng makabago at epektibong pamamaraan sa pagtuturo ng Panitikang Filipino.

Pinangunahan ng mga kinatawan mula sa Schools Division Office ng Cotabato ang programa, katuwang ang mga eksperto sa wika at panitikan. Ibinahagi sa mga kalahok ang mahahalagang paksa gaya ng kasaysayan at pag-unlad ng ortograpiya, wastong paggamit ng mga bagong tuntunin sa pagbabaybay, at mga malikhaing estratehiya sa paglinang ng interes ng mga mag-aaral sa panitikan.

Ayon kay Gng. Tinnah J. Escalona, Tagamasid ng Programang Pang-Edukasyon sa Filipino, mahalagang bigyang-pansin ang pagkakaisa at pamantayan sa pagsulat upang malinang ang kasanayan ng kabataan sa masinop at kritikal na paggamit ng wikang Filipino. Dagdag pa niya, “Ang tamang ortograpiya ay pundasyon ng mahusay na pagsulat, at ang panitikan ang daluyan ng pagpapalawak ng kaalaman, pagpapahalaga, at kulturang Pilipino.”

Kabilang sa mga pinagtuunang pansin ng seminar-worksyap ang aktuwal na gawain at malikhaing presentasyon kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga guro na magsanay sa pagsulat gamit ang mga makabagong tuntunin ng ortograpiya. Gayundin, ibinahagi ng mga kalahok ang iba’t ibang estratehiya sa pagtuturo ng mga akdang pampanitikan upang maging makabuluhan at mapagpalaya ang karanasan ng mga mag-aaral sa klase.

Sa pagtatapos ng programa, ipinahayag ng mga guro ang kanilang kasabikan na iangkop sa kani-kanilang klase ang mga natutunan. Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga kalahok sa pamunuan ng SDO Cotabato dahil sa patuloy na pagbibigay ng pagsasanay na naglalayong itaas ang antas ng propesyonalismo at kahusayan sa pagtuturo ng Filipino.

Ang nasabing seminar-worksyap ay bahagi ng mga inisyatiba ng dibisyon upang maisakatuparan ang layunin ng Revised K to 12 Curriculum at maitaguyod ang Filipino bilang wikang mapagpalaya at salamin ng ating pambansang identidad.

-Tinnah Escalona, EPSvr-Flilipino